CAUAYAN CITY – Isinugod sa pagamutan ang isang karpintero matapos saksakin ng kanyang nakainumang kaibigan sa Barangay Nagrumbuan.
Ang biktima ay si Marlo De Meña, apatnaput tatlong taong gulang, may asawa, habang ang pinaghihinalaan ay si Nardo Bartolome, kapwa karpintero at residente rin ng nabanggit na barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Magdalena Domingo, biyenan ng biktima sinabi niya na ang suspek at biktima ay magkaibigan at habang sila ay nag-iinuman ay nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan.
Sinuntok ng biktima ang suspek at matapos ang panununtok ay umuwi si Bartolome para kumuha ng kutsilyo at pagbalik nito ay sinaksak niya si De Meña sa tagiliran.
Tumakas ang pinaghihinalaan matapos saksakin ang biktima.
Agad namang isinugod sa pagamutan ng mga tumugon na opisyal ng barangay ang biktima.
Ayon sa ilang residente ng nasabing barangay na parehong lasinggero ang suspek at biktima.
May masama umanong pag-uugali ang pinaghihnalaan kapag lasing at hindi ito ang unang beses na nanaksak.
Tinutugis na ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang tumakas na pinaghihinalaan.