CAUAYAN CITY – Nilinaw ng Punong Barangay ng Camarunggayan na walang quarry site sa Magat River lugar kung saan nalunod ang tatlong dalagita.
Ang mga nasawi ay ang magkapatid na sina Divine Racraquin, labing apat na taong gulang, Ethel Racraquin, labimpitong taong gulang at pinsan nila na si Faith Joy Cabanilla, labing-anim na taong gulang at pawang mga residente ng Arellano, Quezon, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Rolly Fajardo ng Camarunggayan, nilinaw niya na walang quarry site sa lugar at ang lugar kung saan nalunod ang tatlo ay matagal nang ipinagbabawal ang paliligo dahil may kalaliman at malakas din ang agos ng tubig.
Nagkataon anya na sa araw nang mangyari ang pagkalunod ay ikatlong araw ng kapistahan ng Aurora kaya walang nakabantay na opisyal.
Samantala, inihayag ni Provincial Environment and Natural Resources Task Force Officern Jonathan Dela Cruz na ang lahat ng isinasagawang Quarry sa Isabela ay legal at dumaan sa proseso.
Ang bawat operation aniya ng quarry ay may nagbabantay na ENRO TASK FORCE kung saan ang kanilang layunin ay mabantayan o ma-supervise ang kanilang tinatawag ng dredging and desilting kung saan ito ang paraan para mas maging maganda ang daloy ng tubig at hindi na masisira pa ng ilog ang mga kalapit nitong mga lupang sakahan at mga baranggay.