CAUAYAN CITY – Bagamat naghahanda na ang mga Briton sa koronasyon ng kanilang hari na si King Charles III ay binabatikos nila ang sobrang magarbo at malaking gastusin sa koronasyon sa ikaanim ng Mayo, araw ng Sabado.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Atty. Girlie Gonito, Human Rights Lawyer sa United Kingdom na aabutin ng 300 million pounds ang gagastusin sa koronasyon ni King Charles III at ni Queen Consort Camilla.
Sinabi ni Atty. Gonito na aabot sa 50 million pounds ang gagastusin para sa Media habang 125 million pounds ang gagastusin sa sa pagsasaayos at dekorasyon sa mga daan na dadaanan ng Hari.
Minana pa sa first generation ang napakamahal na susuoting pure diamond crown ni King Charles III na nagkakahalaga ng 5 billion U.S. Dollar.
Ayon sa mga bumabatikos sa magarbong koronasyon, hindi maganda ang ekonomiya ng kanilang bansa at sa katunayan anya ay Panay-panay ang kilos protesta ng mga kawani ng Rail Stations maging ng mga Teachers, Nurses at Doctors.
Nakikiusap ang mga bumabatikos sa magarbong pagdiriwang na kung maaari ay bawasan ang gastusin sa koronasyon ng kanilang bagong hari.
Samantala, inihayag pa ni Atty. Gonito na inanyayahan din si Prince Harry sa koronasyon ng kanyang ama ngunit hindi inanyayahan ang kanyang asawa na si Meghan Markle.
Limitado rin ang dadaluhan ni Prince Harry na mga aktibidad sa koronasyon ng kanyang amang Hari at kinakailangan din siyang agad na umalis sa nasabing pagdiriwang.
Sinabi pa Atty. Gonito na bagamat koronasyon din ni Camila bilang Queen Consort ay hindi pinag-uusapan sa United Kingdom dahil para sa mga Briton ay isa lamang mistress noong nabubuhay pa si Princess Diana.
Marami anyang Briton ang ayaw kay Camila kaya hindi pinag-uusapan ang kanyang coronation bilang Queen Consort.
Ayon pa kay Atty. Gonito, matapos ang koronasyon ay marami ang magsasagawa ng street party kasabay ng pagbibigay ng libreng inumin at pagkain.