--Ads--

CAUAYAN CITY – Labis na nagpapasalamat sa Panginoon at sa mga taong sumuporta sa kanila ang tatlong nagtapos ng kurso sa Isabela State University City of Ilagan campus na nasa top 10 sa resulta ng  Registered Master Electrician Licensure Exam na inilabas kagabi ng Professional Regulation Commission o PRC.

Sa 2,336 na kumuha ng exam  noong Abril  2023 ay 986 ang  pumasa.

Apat sa mga nagtapos sa ISU City of Ilagan Campus ang nasa top 10 na kinabibilangan ng number 1 na si Kenneth Christian Guiwo na nakakuha ng rating na  95%, number 4 si Robin Pauig  na may rating na  92.50, number 9 si Gimie Tuppil na may rating na 90% at number 10  si Jessica Sapo  na may 89.50% na rating.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi nina Pauig, Tuppil at Sapo na hindi nila inaasahan na mapabilang sa top 10.

--Ads--

Sinabi ni Pauig na matapos ang exam ay pakiramdam niya nasa top 6 hanggang top 10 siya at hindi inaasahan na siya ay nasa number 4.

Natutuwa siya at nagpapasalamat sa Panginoon na nasuklian ng tagumpay  sa licensure exam ang naging paghihirap niya sa pag-aaral.

Una niyang gustong maging guro  ngunit ngayon na nasa number 4 siya sa licensure exam ay gusto niyang magkaroon ng trabaho sa barko.

Pinayuhan niya ang mga estudiyante na mag-aral na mabuti at    lumayo sa taong may masamang impluwensiya,  makinig sa payo ng mga magulang maging inspirasyon ang mga pinagdaanang hirap sa buhay.

Sinabi naman ng number 9 na si Gimie Tuppil na  nagpasalamat  siya sa Diyos na binigyan ng katalinuhan.

Natupad ang kanyang mga hangarin sa pamamagitan ng kanyang mga pagsisikap at panalangin.

Naging Inspirasyon niya  ang pamilya na nagsakrpisyo para matustusan ang kanyang pag-aaral.

Ayon naman sa number 10 na si Jessica Sapo, hindi niya inaasahan na mapasama sa top 10  dahil ang hangad lang niya ay makapasa.

Payo niya sa mga mag-aaral na magkaroon ng tiwala sa sarili at sa Panginoon.