CAUAYAN CITY– Tiwala ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na hindi gaanong maapektuhan ng nagbabadyang El Niño Phenomenon ang ilang mga sakahan sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SINAG chairman Rosendo So.
Sinabi niya na kampante sila na walang masyadong maitatalang pinsala o maapektuhan sa pinangangambahang kakulangan ng tustos ng tubig mula sa mga Dam para sa mga sakahan ng mga magsasaka ngayong El Niño dahil inaasahan na ang mga pag-ulan pagpasok ng buwan ng Hunyo at Hulyo.
Sa kabila nito ay pinayuhan pa rin ng SINAG ang mga magsasaka na magtanim ng mga itinuturing na fast crop gaya ng gulay at mais bilang alternatibo sa palay para maiwasan ang matinding epekto ng tagtuyot.
Batay sa monitoring ng SINAG walang nakikitang kakulangan ng tubig sa ilang mga Dam at tanging ang Magat Dam sa Ramon, Isabela lamang ang nakakitaan ng mababang antas ng tubig, gayunman tiwala silang makakahabol pa rin ang mga magsasaka ng palay sa pagtatanim at pag-aani sa pag-adjust ng kanilang planting calendar.