CAUAYAN CITY – Pitong silid-aralan mula sa dalawang paaralan sa Diadi at Villa Verde Nueva Vizcaya ang hindi na maaaring gamitin batay sa assesment na isinagawa matapos tumama noong nakaraang linggo ang lindol na ang sentro ay sa Maconacon Isabelana nakaranas ng magnitude 5.8.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Schools Division Superintendent Dr. Mary Julie Truss ng SDO Nueva Vizcaya sinabi niya na noong ikaapat ng Mayo ng tumama ang lindol sa Maconacon Isabela at dahil sa naramdamang aftershocks ay naapektuhan ang ilang klase sa mga paaralan sa Nueva Vizcaya.
Aniya sa ngayon ay dalawang eskwelahan ang napinsala at batay sa assestment ng DPWH ay hindi na ito ligtas na gamitin kabilang ang Arwas West Elementary School sa Diadi at sa Villa Verde.
May siyam na silid aralan ang Arwas West Elementary School at apat dito ang nagtamo ang bitak at idineklara nang unsafe for occupancy.
Ang mga naapektuhang mag-aaral ay inilipat ng silid aralan sa dalawang hindi okupadong classroom na hinati sa dalawa.
Tatlong silid aralan naman mula sa Felix Juana Brawner Community School ang hindi na rin maaaring gamitin dahil nakitaan din ng bitak sa sahig at pader.
Pansamantala ay nagbigay sila ng temporary shelter tents mula sa UNICEF na pansamantalang ginagamit na silid aralan ng mga naapektuhang mag-aaral sa naturang paaralan.
Hindi naman nadagdagan ang pinsala sa naturang mga paaralan matapos muling maitala ang magnitude 5.1 na lindol sa Maconacon Isabela.
Patuloy aniya ang assestment sa iba pang mga silid aralan habang nauna nang nagawan ng kahilingan para sa rehabilitasyonang ilang silid aralan sa Arwas West Elementary School at Felix Juana Brawner Community School.
Matatandaang matapos ang Magnitude 5.8 na lindol sa Maconacon Isabela ay iniulat ng DepEd sa Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council na walumpu’t isang paaralan sa buong rehiyon ang nakapagtala ng sira.
Dalawa rito ang mula sa Nueva Vizcaya ang dineklara ng lokal na pamahalaan at Bureau of Fire Protection o BFP na hindi na ligtas na gamitin ng mga mag-aaral, habang ang pitumpu’t siyam pang paaralan ay sumasailalim pa sa assessment at validation ng lokal na pamahalaan, BFP at division engineers.