CAUAYAN CITY – Dinala na sa Batasan Pambansa ang mga labi ng namayapang si Governor Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya kasama ang kanyang pamilya at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.
Ngayong araw ay mag-aalay ng Luksang Parangal ang Kamara para sa kanilang dating kasamahan.
Nagsilbi si Governor Padilla bilang kinatawan ng Nueva Vizcaya sa Kamara sa loob ng halos tatlong dekada.
Ginawaran ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office ng departure honors ang dating pinakamataas na lider ng lalawigan.
Hanggang kahapon na lamang ang public viewing sa burol ni dating Governor Padilla sa kanilang bahay sa Quirino, Solano.
Iuuwi naman ang kanyang ma labi sa lalawigan bukas, araw ng Biyernes upang lamayan sa Convention Center at sa Sabado, May 13 ay ihahatid na siya sa huling hantungan sa kanyang hometown sa Dupax Del Norte.
Sa ilang araw na burol sa kanyag bahay sa bayan ng Solano ay dumalaw ang maraming mga opisyal ng pamahalaan at mga mamamayan.
Napuno ng mga puting bulaklak ang kanilang bakuran hanggang sa gilid ng lansangan mula sa iba’t ibang grupo at indibidwal kabilang ang ipinadala ni Pangulong Bongbong Marcos, mga senador, kongresista at iba pang nahalal na opisyal.