CAUAYAN CITY – Hihilingin ni Governor Rodito Albano ang tulong ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) upang malaman ang sanhi ng palagiang paglindol sa coastal town ng Maconacon, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Governor Albano na nababahala na rin siya sa madalas na paglindol sa bayan ng Maconacon.
Batay sa talaan ng PHIVOLCS magmula noong May 2-10 ay nakaranas ng mahina at malakas na pagyanig ang Maconacon, Isabela.
Makikipag-ugnayan aniya si Governor Albano sa PHIVOLCS upang alamin kung bakit palaging may nagaganap na pagyanig sa nasabing bayan.
Hihilingin din niya sa PHIVOLCS na magsagawa ng pagsisiyasat at pagsusuri.
Samantala, nagtala ng bitak ang mga gusali na naapektuhan ng malakas na pagyanig sa bayan ng Maconacon.