CAUAYAN CITY– Naghahanda na ang Department of Agriculture o DA Region 2 sa magiging epekto ng El Niño sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni Regional Technical Director Roberto Busania ng DA region 2 na patuloy ang kanilang paghahanda sa pagtugon sa magiging epekto ng nagbabadyang El Niño sa mga magsasaka.
Sinabi ni Regional Technical Director Busania na nagkaroon ng Regional Management Committee meeting noong Martes at pinag-usapan nila ng masinsinan ang El Niño na posibleng maramdaman sa mga buwan Hunyo, Hulyo na magtatagal hanggang first quarter ng susunod na taong 2024.
Paghahandaan nila katuwang ang mga attached agencies ang pagbibigay ng information drive tungkol sa El Niño.
Mayroon na rin silang mga binhi para magamit sa rehabilitation…Pinayuhan din nila ang mga magsasaka na magtanim na ng maaga upang hindi maabutan ng tagtuyot ang kanilang mga pananim.
Mayroon na rin silang pondo na pambili sa waterpump na gagamitin ng mga magsasakang maapektuhan ng El Niño na mayroong malapit na ilog o sapa na mapagkukunan ng tubig.
Bukod dito ay humingi na rin sila ng additional funding para sa small water impounding projects at iba pang mga proyekto.