--Ads--

CAUAYAN CITY – Binigyang pugay at pagkilala ang mga nagampanan ni Gov. Carlos Padilla na ilang beses na nahalal na congressman ng lone district ng Nueva Vizcaya sa isinagawang necrological service sa Batasang Pambansa.

Ilan sa nagbigay ng kanyang Eulogy ay sina dating House Speaker Jose De Venecia at Sen. Robin Padilla na kamag-anak ng pumanaw na Gobernador.

Inalala ni De Venecia si Gov. Padilla na ibinuhos ang kanyang halos 30 taon sa pagsisilbi sa Kongreso na nagsilbi ring Mayor at Gobernador sa Nueva Vizcaya.

Sinabi niya na sa Kamara ay nagsilbi si Padilla bilang Deputy Speaker, Minority Leader, naging miyembro ng makapangyarihang Commission on Appointments at House of Representative Electoral Tribunal.

--Ads--

Aniya, ilan lamang sa batas na naipasa ni Padilla ay ang batas na Free Public School Education at ilan pang assistance para sa mga mag-aaral at mga guro sa mga pampublikong paaralan.

Si Padilla rin ang author sa pagbuo ng National Commission on Culture and The Arts at Commission on the Filipino Language.

Tinig ni dating House Speaker Jose De Venecia.

Sa kanyang Eulogy ay inalala naman ni Sen. Robin Padilla ang pagtulong sa kanya ng tiyuhin noong pasukin nito ang politika.

Humahanga siya kay Gov. Padilla dahil ipinaglalaban nito ang mga katutubo at mga mahihirap.

Hinikayat din siya ng kanyang tiyuhin na tumulong sa mga katutubo at mga mahihirap sa ibang bahagi ng bansa.

Tinig ni Sen. Robin Padilla.

Naging madamdamin din ang naging response ni dating  Gov. Ruth Padilla sa Eulogy sa ginanap na Necrological Service sa Kamara ng kanyang mister.

Ayon kay dating Gov. Ruth Padilla, bago siya bumiyahe patungong Honululu, Hawaii ay malakas pa si Gov. Carlos Padilla at inaasahan niyang sa kanyang pagbabalik ay madatnan at makitang nakangiti ang kanyang mister.

Nang malamang pumanaw ang kanyang mister ay agad siyang umuwi sa Pilipinas at hirap siyang tanggapin na makitang nasa kabaong na ang kanyang minamahal.

Marami pa aniyang pangarap ang Gobernador para sa kapakanan at pag-unlad ng lalawigan ng taga Nueva Vizcaya ngunit kailangang tanggapin na wala na siya.

Hindi niya malilimutan ang pagiging workaholic ng yumaong Gobernador na naging mentor nito noong kumandidato at naging gobernador siya ng Nueva Vizcaya.

Tinig ni dating Gov. Ruth Padilla.

Pagkatapos ng necrological service sa Kamara ay dinala  ang mga labi ni Gov. Padilla sa Nueva Vizcaya Convention Center sa Provincial Capitol compound.

Isinagawa ang prayer service kagabi at public viewing.

Mamayang 8:30 ng umaga ay gaganapin ang misa  habang alas-10 ng umaga ang memorial service at dakong alas-12 ng tanghali hanggang alas-6 ng gabi ay ang public viewing.

Isasagawa alas-7 mamayang gabi ang necrological service ng mga pinuno at kawani ng pamahalaang panlalawigan at alas-9 ng gabi muling isasagawa ang public viewing.

Bukas, May 13 ay dadalhin ang kanyang mga labi 6:30 sa  Malasin, Dupax del Norte para ihatid sa kanyang huling hantungan.