CAUAYAN CITY – Nailigtas ng pulisya ang apat na babaeng tinangka umanong dukutin kagabi ng limang lalaki at isang babae sa Ipil, Echague, Isabela.
Ang mga biktima ay sina Joy, 20 anyos; Ella, 17 anyos; Jean, 17 anyos at Ash, 20 anyos, pawang mga estudyante at residente ng Good, San Isidro, Isabela.
Ang mga suspeK ay sina Conrado Marzan Jr., 33 anyos, may-asawa, negosyante; John Lloyd Dela Rosa, 19 anyos; Anne, 19 anyos, estudyante at mga residente ng Villaflor, San Isidro, Isabela; Marco Ulep, 33 anyos at residente ng Paddad, Alicia, Isabela; John Bumatay, 28 anyos, contractor, residente ng Mabini, Alicia, Isabela AT Juls, 17 anyos, estudyante at residente ng Santa Maria, Alicia, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rogelio Natividad, hepe ng Echague Police Station, sinabi niya na inaya ng babaeng suspek ang apat na biktima upang mag-swimming sa isang falls sa San Mariano, Isabela subalit sa halip na pumunta sa swimming ay idineretso umano sila sa isang bahay sa bayan ng Alicia at sila ay nag-inuman.
Pagkatapos mag-inuman ay pumunta sila sa isang hotel sa bayan ng Echague subalit umalis din sila.
Habang nasa loob ng isang Toyota Grandia Van ay tinakot umano ng mga suspek ang mga biktima na babarilin sila kung hindi sila papayag na iinom.
Pasado alas diyes ng gabi nang dumaan ang grupo sa isang convenience store at dito na nakapag-text ang isa sa mga biktima sa kanyang boyfriend na siya namang nagpaalam ng nangyayari sa himpilan ng pulisya.
Agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya at nakita nila ang van sa Ipil, Echague, Isabela subalit hindi tumigil ang van at nagkaroon ng habulan bago nasakote sa Brgy. San Fabian.
Nakita sa loob ng van ang isang glock pistol, na pagmamay-ari ng driver, mga drug paraphernalia, at isang bag na may mga residue ng pinaghihinalaang shabu.
Ayo naman sa mga suspek ay hindi nila kinidnap ang mga babae kundi kusa silang sumama.
Wala rin umano silang ideya kung saan galing ang sinasabing mga drug paraphernalia na nakuha sa van.
Dagdag pa nila na naibaba na nila ang mga babae sa barangay Ipil nang bigla na lamang silang habulin ng mga pulis.
Samantala, desidido ang pamilya ng mga biktima na kasuhan ang mga suspek dahil sa ginawa nila sa kanilang mga anak.
Wala rin silang balak kausapin ang mga suspek dahil na-trauma umano ang kanilang mga anak.
Sa ngayon ay inihahanda na ang patung-patong na kaso laban sa mga pinaghihinalaan.
Kabilang na ang abduction, grave threat with use of firearms, paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Isinailalim din sa drug test ang mga pinaghihinalaan para malaman kung nasa impluwensya sila ng ipinagbabawal na gamot nang isagawa ang krimen.