CAUAYAN CITY – Dahil sa inaasahang magiging epekto ng bagyong Mawar na tatawaging Bagyong Betty kapag nakapasok na sa bansa ay ipinagpaliban pansamantala ang pagdiriwang ng Mammangi Festival sa lunsod ng Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni General Services Officer Ricky Laggui ng Lunsod ng Ilagan na dahil sa paghahanda sa super typhoon Mawar na maaring dumaan sa Luzon ay nagpasya ang pamahalaang Lunsod na ipagpaliban ang Mammangi Festival na gaganapin sana ngayong Linggo.
Ilan sa mga highlights sa Mammangi festival ay ang street dance competition na lalahukan ng walong cluster barangays, booth competition sa Mammangi village, search for Binibining Ilagan, at paglulunsad ng City of Ilagan Hymn na lalakuhan ng walong choir groups.
Tampok din ang Search for most outstanding Barangay, Search for most outstanding Ilagueño, JLD motocross, Off road competition invitational.
Pinulong aniya ang mga Organizing Committee, stakeholders at mga miyembro ng Sangguniang Panglunsod at nagkaisa silang nagpasya na ipagpaliban ang pagdiriwang ng Mammangi Festival.
Napagkasunduan din na isasabay na lamang ang Mammangi Festival sa Cityhood celebration ng Ilagan sa August 5-11 ngayong taon.
Sa ngayon ay naghahanda na ang City Disaster Risk Reduction Management Council (CDRRMC) at nagkaroon ng assessment sa magiging epekto ng bagyong Mawar.
Pinulong ang mga punong barangay at inatasang magsagawa ng maagang abiso sa kanilang mga nasasakupan upang magsagawa ng impormasyon sa kanilang mga kabarangay at magpatupad ng early evacuations kung kinakailangan.
Pinagtutuunan nila ng pansin ang mahigit 50 barangay mula sa 91 barangay na binabaha at nagkakaroon ng pagguho ng lupa.
Prayoridad na i-monitor ang mga barangay na malapit sa mga ilog at nababaha.