--Ads--

CAUAYAN CITY – Isasailalim sa Red Alert Status ang Office of Civil Defense (OCD) Region 2 ngayong araw kapag pumasok na sa Philippine Area of Responsibility ang super typhoon Mawar na tatawaging Betty.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Michael Conag, tagapagsalita ng OCD Region 2 na ngayong araw ay magkakaroon Response Cluster Meeting upang paghandaan ang malakas na bagyo.

Nakita nila ang paghagupit ng malakas na bagyo sa Guam at bagamat una nang sinabi ng PAG-ASA na maliit ang posibilidad na tumama sa kalupaan ang bagyo ay maapektuhan pa rin nito ang Northern Luzon pangunahin na sa mga coastal areas ng Cagayan at Isabela.

Sinabi pa ni Conag na mahigpit ang isasagawang preposition at paghahanda ng mga Local Government Units na maaring maapektuhan ng Super Typhoon Mawar.

--Ads--

Pangunahin din nilang tututukan ang mga binabahang lugar at mga landslide areas kabilang na ang mga coastal towns ng Cagayan at Isabela.

Pinapahanda na rin nila sa mga LGUs ang kanilang mga evacation centers at prepositioning ng kanilang mga Food and Non-Food items.

Kapag isinailalim na sa red alert status ang OCD Region 2 ay hindi na rin papayagang maglayag ang mga maliliit na sasakyang pangisda at sa araw ng Linggo ay hindi na papayagang maglayag ang mga sasakyang pandagat.

Inatasan na rin ang mga LGUs na magpatupad ng pre-emptive evacuation kung kinakailangan.

Tinig ni Michael Conag, tagapagsalita ng OCD Region 2.