CAUAYAN CITY – Pinaghahanda na ng pamahalaang lunsod ng Cauayan ang mga nababahang mga eskwelahan sa posibleng maging epekto ng Bagyong Betty.
Sa naganap na pre-disaster meeting ng pamahalaang lunsod kasama ang ibang mga ahensya sa pangunguna ng Cauayan City Disaster Risk Reduction and Management Office at personal na dinaluhan ni Mayor Jaycee Dy ay napag-usapan ang mga gagawing paghahanda sa bagyo.
Isa sa mga natalakay sa nasabing pagpupulong ay ang paghahanda sa mga nababahang eskwelahan sa Lunsod.
Batay sa inilabas na datos ng Schools Division Office (SDO) Cauayan kabilang sa mga eskwelahan na nababaha ay ang Mabantad South, Mabantad North, Gagabutan at Villa Luna Annex.
Nasisira ang ilang kagamitan maging ang mga records ng mga mag-aaral dahil sa nangyayaring pagbaha tuwing may bagyo.
Mungkahi ni Mayor Jaycee Dy na makipag-ugnayan ang pamunuan ng mga nasabing paaralan sa mga opisyal ng kanilang barangay upang magamit ang kanilang mga sasakayan sa paghahakot at paglilipat ng mga kagamitan sa mga eskwelahan.
Pinaalalahanan naman ni CDRRMO Ronald Viloria ang mga mamamayan na maging handa sa bagyo.
Aniya, 24/7 na nakaantabay ang Rescue Team habang nakaantabay lamang ang mga ahensya ng pamahalaan na tutugon kung kailangan.
Sa ngayon ay naka-standby muna ang lahat at kailangan muna nilang pag-aralan ang sitwasyon sa araw ng Linggo o sa Lunes.