CAUAYAN CITY – Hindi naramdaman ang epekto ng bagyong Betty sa lalawigan ng Quirino kahapon, araw ng linggo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay LDRRM Officer IV OIC Jesusa Leal ng PDRRMO Quirino sinabi niya na maaliwalas ang naranasang panahon kahapon sa buong lalawigan ng Quirino, gayunman tiniyak niya na handa ang mga ahensya ng pamahalaan at mga LGUs sa posibleng maging epekto ng Bagyong Betty.
Kabilang sa kanilang tinututukan ang mga high risk areas tulad ng flood and typhoon hazards kaya naman nakaantabay na ang lahat ng mga lokal na pamahalaan sa mga nababaha at mga mabababang lugar para magpatupad ng pre-emptive evacuation kung kinakailangan.
Ipapatupad din ang no fishing and no travel policy sa panahon ng kalamidad.
Nakaantabay na rin ang mga assets at equipment ng lalawigan sa mga landslide prone areas para sa agarang pagtugon kung kailangan.
Nakahanda rin ang ilalabas nilang advisory kung kailangang magkansela ng trabaho at pasok sa paaralan kung magkakaroon ng mga malalakas na pag-ulan at power interruption dahil sa bagyo.