CAUAYAN CITY– Maraming mga pinoy workers ang naapektuhan sa ipinatupad na deployment ban sa Kuwait.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Janice Cainoy ng Kuwait na noong nakaraang buwan ng Pebrero ayt nagdeklara ang Department of Migrant Workers na magkaroon ng temporary ban sa pagpasok sa Kuwait.
Dito pinapayagan lamang na makapasok ang mga ex-abroad sa kuwait at ang mga first timer na mga pinoy na magtatrabaho sa Kuwait ay pinagbabawalan.
Ngayong buwan ng Mayo ay nagdeklara naman ang Kuwait nG deployment ban o lahat ng mga OFW at hindi makakapasok sa bansang Kuwait.
Inihayag ni Cainoy na pangunahing naapektuhan sa ipinatupad na deployment ban ng Pilipinas at Kuwait ang mga first timers na nais na magtrabaho sa Kuwait ang agad kinansela ang kanilang kontrata.
Noong ipinatupad naman anya ng Kuwait ang deployment ban ay umabot sa mahigit 8,000 ang kaagad naapektuhan.
Kahit kompleto ang papeles ng mga Pilipino at nasa airport na ng Kuwait ay pinauwi at hindi pinahintulutan ng immigration na makapasok.
Ang pinangangambahan nila ngayon ay baka madamay din ang mga skilled workers na kasalukuyang nagtatrabaho ngayon sa Kuwait.
Patuloy pa rin ang isinasagawang repatriation sa mga OFWs na nais na umuwi sa Pilipinas.
Umaasa naman sila na maayos din ang usapin dahil bukas ang Pilipinas at Kuwait na mag-usap upang plantsahin ang hindi pagkakaunawaan ngunit hindi matiyak kung kailan maaayos ang gusot sa pagitan ng dalawang bansa.