--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasugatan ang isang tsuper ng tricycle matapos tagain ng kaniyang kapwa tsuper ng tricycle sa kanilang paradahan dito sa Lungsod ng Cauayan.

Ang biktima ay si Flordelino Galabay Jr. Apatnapu’t dalawang taong gulang, may asawa, residente ng Barangay District 1, Reina Mercedes, Isabela habang ang pinaghihinalaan ay si Wilfredo Capuchino, apatnaput limang taong gulang, residente ng Sinippil, Reina Mercedes,Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa biktimang si Flordelino Galabay Jr. sinabi niya na dahil nalalapit na ang pagdiriwang nila ng  kapistahan ay inasar siya ng pinaghihinalaan at sinabihang magaling siyang dumalo sa mga pista ng ibang lugar samantalang kapag sila ang may pista ay hindi man lang siya naghahanda.

Napikon ang biktima sa sinabi ng pinaghihinalaan kaya tinapik nito ang sumbrero na naging daan upang umuwi si Capuchino  kanilang bahay sa Reina Mercedes  upang kumuha ng tabas.

--Ads--

Nang makabalik si Capuchino sa paradahan sa kanilang TODA dito sa lungsod ng Cauayan ay sinugod niya si Galamay at tinaga sa  siko.

Walang nagtangkang umawat sa pinaghihinalaan dahil sa hawak nitong panabas kaya ang ginawa ng biktima ay dumampot siya ng bato para depensahan ang kaniyang sarili laban sa suspek.

Samantala, sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan sa pinaghihinalaan na si Wilfredo Capuchino, inamin niyang  inasar niya ang biktima ngunit hindi ang sumbrero niya ang tinapik ni Galamay kundi dalawang beses siyang tinapik sa ulo.

Aniya, sa ginawang pananapik sa kaniyang ulo ay napahiya siya sa kanilang mga kasama kaya umuwi at kinuha ang kaniyang tabas dahil hindi na niya na-kontrol ang kaniyang sarili.

Hindi na rin naisip pa ng pinaghihinalaan na puwede siyang ireklamo dala ng kaniyang galit.

Nagsisisi si Capuhino sa kanyang nagawa kaya t nakahanda niyang sagutin ang pangangailangan ng pamilya ng biktima o kaya ay magbibigay  siya ng anim naraang piso araw-araw sa loob ng labing apat na araw na hindi makakapasada si Galabay.