CAUAYAN CITY – Hindi na inasahan ng isang contractual employee ng LGU Asipulo Engineering Office na maibabalik sa kanya ang halos isang milyong pisong kanyang nahulog sa Provincial Road sa bayan ng Asipulo.
Nauna rito ay isinauli nina Ginoong William Anudon at apo nito na si CJ Buccahan ang bundle ng pera na nagkakahalaga ng P305,000 matapos itong mapulot sa Bahag-Amduntog Provincial Road.
Agad naman itong naibalik sa nakahulog ng pera na si Gerry Daulayan matapos na i-post sa social media ng PNP ngunit may nawawala pang mahigit 600,000 pesos na kasama rin ng napulot ng mag-lolo.
Dumating naman si Ginoong Jerry Inuguidan ng Boko, Nungawa, Asipulo, Ifugao upang ibalik ang napulot niyang bungkos ng pera sa PNP na nagkakahalaga ng P685,000 at naibalik din sa nakahulog.
Nauna nang sinabi ng mga nakapulot ng pera na hindi sila nagdalawang isip na ipasakamay sa mga otoridad ang napulot na malaking halaga ng pera.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Gerry Daulayan, Contractual employee ng LGU Asipulo Engineering Office na ang malaking pera ay ipinagkatiwala lamang sa kanya na ibibigay din niya sa sub-contractor ng isang proyekto ng LGU.
Pauwi na siya nang mapansin niya na nawawala o nahulog ang mga bungkos ng pera na ipinagkatiwala sa kanya.
Oras na ng uwian sa hapon noong mahulog niya ang pera at nang kanyang binalikan ay nagtanong tanong siya sa kanyang mga nakakasalubong.
Labis ang kanyang pag-aalala at sa kanyang pag-uwi ay na-ipost din ng kanyang maybahay sa social media ang nawalang malaking halaga ng pera.
Tumawag ang PNP Asipulo sa kanya nang makita ang post ng kanyang misis at ipinabatid ang perang ipinasakamay sa kanilang himpilan.
Sobra ang kanyang tuwa at pasasalamat dahil sa kabila na tatlong tao ang nakapulot sa pera ay naibalik sa kanya nang buo.
Ayon kay Daulayan, noong hindi pa naibalik sa kanya ang pera ay iniisip niya kung paano babayaran ang kapag hindi naibalik sa kanya.
Sinabi niya na bibigyan ng parangal ng LGU Asipulo at Provincial Government ng Ifugao ang tatlong tao na nakapulot sa mahigit isang milyong pisong cash dahil sa kanilang ipinakitang katapatan.