CAUAYAN CITY – Patuloy ang paalala ng Regional Anti-Cyber Crime Unit 2 sa mga magulang na bantayan ang mga anak sa paggamit ng social media at mga makabagong teknolohiya dahil sa mga naitatalang insidente ng sexual exploitation at sexual abuse sa mga kabataan na nagaganap online.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt. Col. Rovelita Aglipay, Asst. Chief ng Regional Anti-Cyber Crime Unit 2, sinabi niya na kamakailan ay nasagip nila ang dalawang menor de edad na naging biktima ng pang-aabusong sekswal na paglabag sa Republic Act 11930 o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act.
Aniya ang mga naarestong pinaghihinalaan na nang-abuso sa dalawang labing tatlong taong gulang na bata ay nag-iingat ng mga pornographic material na pawang mga kabataan rin ang sangkot.
Batay sa kanilang pagsisiyasat lumalabas na ang mga biktima ay kabilang sa broken family o kadalasang hiwalay ang magulang at walang sapat na superbisyon ng magulang partikular sa paggamit ng makabagong teknolohiya na naging dahilan upang sila ay mabiktima ng mga mapagsamantala.
Ang mga naitalang kaso ay mula sa Nueva Vizcaya habang may ilang insidente na ring naiparating sa kanila mula sa Isabela at Cagayan.
Modus ng mga mapagsamantala ang magpadala ng friend request gamit ang telegram at hinihikayat ang mga biktima na magpadala ng maseselang litrato ng pribadong bahagi ng kanilang katawan na kalaunan ay gagamitin sa pamba black mail.
Laking pasasalamat naman nila sa mga concerned citizen na nagpaabot ng impormasyon sa kanilang himpilan na naging daan upang masimulan ang malalimang imbestigasyon sa naturang kaso na iisang tao ang nasa likod ng pagpapakalat ng malalaswang video.