CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) region 2 na walang private armed group sa rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Jerbee Cortez, Assistant Regional Director ng COMELEC region 2 na naglilitawan ang mga balita ukol sa mga private armed groups kapag malapit na ang halalan.
Aniya, dapat lamang na mabuwag ang mga private armed group upang hindi maapektuhan ang pagboto ng mga mamamayan.
Marami aniyang maaring kayang gawin ng mga armadong grupo tulad ng pananakot sa mga botante o pagpatay sa panahon ng halalan.
Sa ngayon ay wala namang private armed group sa region 2 dahil tuluyan na itong nabuwag.
Wala pa naman silang koordinasyon sa PNP dahil gagawin lamang nila ito kapag nagsimula na ang election period.
Sinabi pa ni Atty. Cortez na hindi pa maituturing na may kinalaman sa barangay elections ang mga nasamsam na maraming baril at bala sa Santo Tomas, Isabela ng mga kasapi ng CIDG Field Unit 2.