--Ads--

CAUAYAN CITY – Ipinasa na sa ikatlo at huling pagbasa ang Anti dangling wire ordinance sa Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Sangguniang Panglunsod Member Paolo Eleazar Delmendo na layunin ng ordinansa na  maisaayos ang mga linya ng kuryente at telecommunication lines na nakalaylay at para maayos na rin ang mga luma at nakatabinging poste.

Laman din ng ordinansa na kailangang may masunod na height o kung  gaano kataas ang poste na pagsasabitan ng mga wires.

Kailangan din na ang pagtatayuan ng mga poste ay hindi dapat nakaharang sa mga daanan ng tao.

--Ads--

Dapat din na makontrol ang mga nakasabit na mga wires sa mga poste at hindi sobra-sobra ang mga nakalaylay.

Kailangan na matanggal ang mga poste na buhol-buhol ang mga nakalagay na wires.

Anya, kailangan din ang mahabang panahon o palugit na ibibigay nila sa mga telecommunication companies at kooperatiba ng kuryente upang isaayos ang kanilang mga wirings, lumang poste at maalis ang mga poste na nasa  dinadaanan ng mga tao.

Bibigyan ng warning ang mga hindi susunod sa unang paglabag habang ang pangalawang paglabag ay magmumulta ng P1,000, sa pangatlong paglabag ay magmumulta ng P2,000.

Kapag lumabag sa pang-apat na pagkakataon ay magmumulta ng P4,000 at pagkakulong.

Tinig ni SP member Paolo Eleazar Delmendo.