--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpaalala ang COMELEC Region 2 sa mga dapat gawin ng mga kandidato kapag naghain na ng certificate of candidacy (COC) sa barangay at Sangguniang Kabataan Elections na gaganapin sa Oktubre.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Jerbee  Cortez, Assistant Regional Director ng COMELEC region 2 na kapag naghain na ng COC ay hindi na maaring mag-ikot at mangampanya kundi kailangan nilang hintayin ang tamang pagsisimula ng pangangampanya.

Sinumang lalabag ay maaring masampahan ng kasong premature campaigning.

Kapag panahon na ng halalan ay ipinagbabawal din ang pagdadala ng baril at kung magdadala man ay kailangan ang exemptions na ina-aplayan sa COMELEC.

--Ads--

Hindi rin maaring kumandidato sa Sangguniang Kabataan Chairman at SK Kagawad ang mga may kamag-anak ng hanggang second degree on consanguinity and affinity na Mayor, Councillor, Governor, Congressman, Senator, President at Vice President.

Dapat ding makipagtulungan ang mga mamamayan na huwag ibenta ang kanilang mga boto at iboto sana ang nararapat.

Malaki ang maitutulong ng mga botante upang mapigilan ang vote buying na ginagawa ng mga kumakandidato.

Ang pamimili ng boto ay hindi lamang pera ang maaring gamitin kundi maging ang mga ibinibigay na pagkain at mga kagamitan.

Ang pinakamahalaga anya ang sinumang kakandidato sa barangay at SK elections ay walang partidong kinaaaniban.

Tinig ni Atty. Jerbee  Cortez.