CAUAYAN CITY – Malaking tulong sa mga magsasaka ang proyektong irigasyon sa bayan ng Sto. Niño.
Ito ang inihayag ni Maj. Rigor Pamittan, ang hepe ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division Phil. Army sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan.
Isinagawa kasi ng National Irrigation Administration o NIA at 17TH Infantry Batallion Philippine Army ang groundbreaking ceremony ng irrigation project sa lalawigan ng Cagayan noong ikasiyam ng Hunyo.
Pinangunahan ng NIA ang groundbreaking ceremony ng 1.70 billion pesos na Calapangan Small water Reservoir Irrigation Project sa Barangay Abariongan Uneg, Sto. Niño, Cagayan.
Ang nasabing proyekto ay inaasahang makakatulong sa patubig ng halos dalawang libong ektarya ng sakahan ng aabot sa 887 na mga magsasaka.
Ang Calapangan Small Reservoir Irrigation Project ay hindi lamang makakatulong sa mga magsasaka kundi susuporta rin sa agricultural program ng pamahalaan at matiyak ang food security na isa sa mga adbokasya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Tiniyak naman ng 17th Infantry Battalion ang security assistance laban sa mga posibleng gagawin ng Communist Terrorist Group sa nasabing proyekto.
Kung maalala ang nasabing mga lugar ay dating pinamumugaran ng mga teroristang grupo ngunit dahil sa mga isinagawang Community Support Program ng 17th IB ay idineklara nang insurgency-cleared barangay ang mga ito.
Matapos maideklarang insurgency-cleared, ang nasabing mga barangay ay naging benepisaryo ng Support to Barangay Development Program ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Ayon kay Maj. Pamittan malaki rin ang pasasalamat ng mga magsasaka sa nasabing napakalaking proyekto na makakatulong sa kanilang hanapbuhay.