CAUAYAN CITY – Umabot sa isang daan pitumpu’t apat ang hired on the spot sa isinagawang Independence Day Job Fair sa tatlong venue sa ikalawang rehiyon ng Department of Labor and Employment o DOLE Region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni information officer Chester Trinidad ng DOLE Region 2 na ang Independence Day Job Fair ay isinagawa sa tatlong venue pangunahin na sa Lunsod ng Cauayan, Lunsod ng Santiago at Lunsod ng Tuguegarao.
Mababa ang bilang ng mga hired on the spot kumpara noong Job Fair na isinagawa noong Labor Day at maaring dahil sa maraming job fair na isinagawa sa mga nakaraang araw.
Umabot sa tatlong libong naghahanap ng trabaho ang nagtungo sa tatlong venue ngunit ang nagregister online ay 793 lamang.
Sa ngayon ay pag-aaralan nila ang mga hindi nakuha sa trabaho upang maisailalim sa pagsasanay sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA upang magkaroon ng pagkakataon na makapag-apply sa ibang trabaho.
Karamihan naman sa mga hired on the spot ay service crew na mga high school graduates at delivery rider.
Karamihan anyang mga high school graduates na nag-aapply ng trabaho ay nais nilang magkaroon ng kita para ipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo.
Kinuha din nila ang kanilang profile upang maari nilang ipasok sa trabaho sa pamahalaan tulad ng programa sa DOLE upang sila ay matulungan.
Mayroon ding Child labor elimination program ang DOLE katuwang ang DSWD at PESO upang mabawasan ang child labor sa rehiyon.
Bukod sa Job Fair ay namigay din sila ng financial assistance sa mga child laborers sa iba’t ibang lugar sa Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino at Cagayan.