CAUAYAN CITY – Ipasisilip ng mga miyembro ng Sangguniang Panglunsod ng Cauayan sa iba’t ibang ahensya ang permit ng mga nagtitinda ng pagkain at inumin sa bangketa at maging ng mga nag-iikot na naka-tricycle sa lunsod.
Sa privilege speech ni Sangguniang Panglunsod Member Bagnos Maximo, Chairman ng Committee on Health and Sanitation sinabi niyang kapansin-pansin ang pagdami ng mga nagtitinda lalo na ng buko juice ngayong summer.
Marami rin ang mga nagtitinda gamit ang tricycle at sumusulpot sa harapan ng mga eskwelahan tuwing labasan ng mga estudyante kaya gusto nilang matiyak na mayroon silang kaukulang permit upang magtinda sa lunsod.
Mayroon umano siyang mga natatanggap na report na may mga batang nagkakasakit matapos bumili ng juice mula sa mga sidewalk vendors.
Dagdag pa niya na ilan sa mga nagtitinda ay kumukuha lamang ng barangay permit at nakakapagtinda na ng mga pagkain.
Delikado aniya ito lalo na at hindi naiinspeksyon ang kanilang mga paninda upang matiyak na malinis.
Nais ng opisyal na kumuha muna ng permit ang mga magtitinda sa City Health Office, Sanidad, Business Permit and Licensing Office (BPLO), at iba pa para sa kaligtasan ng mga mamimili.
Tinig ni SP Member Bagnos Maximo.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Jennie Butac, nagtitinda ng pagkain at inumin na maganda kung maging mahigpit na sa pagtitinda ng mga inumin at meryenda.
Marami na aniyang dumadayo sa Cauayan City na mula sa mga katabing bayan ang walang permit at nagtitinda na lamang kung kailan nila gusto na nagiging kakompetinsya ng mga lehitimong vendor.
Aabot sa P6,000 kada taon ang kailangang bayaran ng isang vendor sa pamahalaan upang makakuha ng mga kaukulang permit.
Tinig ni Jennie Butac, nagtitinda ng pagkain at inumin.
Samantala, nagsasagawa ng inspection ang mga sanitary inspector ng City Health Office o CHO upang matiyak na malinis ang mga ibinebenta ng mga street vendors o ambulant vendors.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Sanitary Inspector Leonard Agsunod ng CHO1 na tinitiyak nila na ang mga street vendor ay sumailalim sa medical examination upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga kostomer.
Araw-araw silang nagsasagawa ng inspection o umiikot upang makita na tama at malinis ang paghahanda ng mga vendors sa kanilang mga paninda.
Pangunahing sinusuri ang kalinisan sa katawan ng mga nagtitinda tulad ng pagkakaroon ng malinis na kamay maging ang mga kagamitang ginagamit sa pagtitinda ay tinitiyak nilang malinis.
Pinagsasabihan nila ang mga street vendors o ambulant vendors na dapat malinis ang kanilang mga binebentang juice o mga meryenda upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamimili.
Mayroon ding mga samahan ng mga street vendors kaya maayos nilang sinusunod ang payo ng mga kawani ng City Health Office.
Mungkahi niyang gawin sa mga street o ambulant vendors ay mabuo ang kanilang assosasyon upang madaling mamonitor at matugunan ang reklamo laban sa kanila.
Tinig ni Sanitary Inspector Leonard Agsunod ng CHO1.