CAUAYAN CITY – Magkakaroon ng bahagyang pagtaas sa singil sa kuryente ng Isabela Electric Cooperative o ISELCO 1 ngayong buwan ng Hunyo.
Sa datos na inilabas ng kooperatiba ay magkakaroon ng dagdag na mahigit pitumpung sentimo kada kilowatt-hour ang mga residential at low voltage consumer.
Magkakaroon naman ng pitumpu’t apat na sentimo na pagtaas sa kada kilowatt-hour ng mga high voltage consumer.
Ang pagtaas sa singil sa kuryente ay dahil umano sa pagtaas sa singil sa average generation rate, pagbabago sa palitan ng piso laban sa ibang salapi, consumer price index, at global coal price index.
Ikinadismaya naman ng maraming residente sa lungsod ng Cauayan, ang biglaang pagtaas sa singil ng ISELCO 1.
Ayon sa kanila naging madalas na ang brownout lalo na kapag umuulan at itataon pa ng kooperatiba ang dagdag singil.
Umaasa ang marami na kapalit ng pagtaas sa singil sa kuryente ay ang mas magandang serbisyo ng kooperatiba.