--Ads--

CAUAYAN CITY – Hinimok ng Philippine Rice Research Institute o PhilRice Isabela ang mga magsasaka na magtipid sa paggamit ng tubig.

Inihayag ni Engr. Jerry Batcagan, Science Research Specialist ng PhilRice, Isabela na paunti nang paunti ang water source para sa irigasyon ng agrikultura dahil lumalaki ang demand ng ibang purposes tulad sa domestic at industrial.

Hindi rin aniya pantay-pantay ang distribusyon ng ulan sa bansa dahil may mga lugar na hindi nakakaranas ng ulan habang ang iba ay binabaha na.

Isa ring rason kung bakit kailangang magtipid ng tubig ay dahil sa negatibong epekto ng climate change tulad ng El NiƱo phenomenon.

--Ads--

Tumataas din ang presyo ng petrolyo kaya mahal din ang pagdebelop ng mga irigasyon, habang ang mga watershed areas ay nasisira rin dahil sa ibat ibang kadahilanan tulad ng pagdebelop bilang sakahan at nakakalbo na ang mga kabundukan.

Hinimok ni Engr. Batcagan ang mga magsasaka na ayusin ang mga kanal na patungo sa mga sakahan, gumawa ng water impounding area para may mapagkukunan kung nagkukulang na ng suplay at paikliin ang panahon ng preparasyon ng paghahanda sa sakahan.

Sa pamamagitan aniya nito ay maiiwasan ang pagsasayang ng tubig dahil hindi nahahayaang umagos ng hindi nagagamit.

Importante rin ang ricefield leveling o ang pagpapantay sa mga sakahan upang pantay rin ang nagagamit na tubig sa mga ito.

Ugaliin ding kapag dumating na ang patubig ay agad nang maghanda sa pagtatanim upang hindi masayang ang tubig na dumadaloy sa irigasyon at dapat ay sabay-sabay na maghanda ang mga magkakalapit na sakahan.

Ayon pa kay Engr. Batcagan hindi kailangan ng maraming tubig sa early stages ng mga pananim na palay at may scheduling din sa oras ng pagpapatubig.