CAUAYAN CITY – Nababahala ang mga pinoy sa France sa lumalalang sitwasyon dahil dumarami ang bilang at lumalawak ang mga isinasagawang riot ng mga mamamayan.
Ang kaguluhan ay matapos ang pamamaril ng pulis sa isang labimpitong taong gulang na North African na si Nahel sa isang traffic stop sa Paris dahil umano sa paglabag sa batas trapiko.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Dick Villanueva ng France sa darating na sabado at linggo ay nakatakdang isasagawa ang taunang piyesta sa Paris na dinadaluhan ng lahat ng mga asosasyon ng Pinoy sa France.
Sa ngayon ay minomonitor pa ng mga pinuno ng mga asosasyon ang sitwasyon dahil may nakatakdang parada na dadaluhan ng nasa limang libong pinoy at maaari itong hindi matuloy dahil sa nagaganap na kaguluhan.
Umaasa naman ang mga pinoy na huhupa na sa mga susunod na araw ang mga riot upang maituloy ang pagdiriwang ng pista sa Paris at walang masasaktang pilipino na dadalo.
Umabot na kasi sa halos dalawang daan ang inaresto ng mga pulis na mas lalong ikinagalit pa ng mga protesters.
Dahil sa lumalalang sitwasyon ay nagdeploy na ang pamahalaan ng 40,000 na pulis sa buong pransya upang mapanatili ang kaayusan maging ang limang libo sa Paris Region lamang.
Laking pasasalamat ng mga Pinoy doon dahil walang mga nadadamay sa mga pilipinong naninirahan malapit sa mga nagaganap na kaguluhan.