CAUAYAN CITY – Inirereklamo ng ilang tsuper ng tricycle sa Cauayan City ang mga baka at kalabaw na ipinapastol sa gilid ng kalsada na biglang tumatawid na nagiging dahilan ng aksidente.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay ginoong Severino Perico, tricycle driver sa lungsod, sinabi niyang minsan na siyang nadisgrasya dahil sa mga bakang pagala-gala.
Aniya pinakamalala umano ang problema sa mga baryo lalo na sa gabi dahil hindi umano agad na napapansin ang mga hayop.
Isa rin sa problema ang tila kawalan ng aksyon ng mga kinauukulan lalo na at ilang taon na umano itong problema.
Ayon naman kay Dr. Ronald Dalauidao, ang City Veterinary Officer, sinabi niyang malaki ang pananagutan ng mga nag-aalaga kung sakaling maka-aksidente ang kanilang mga hayop.
Aniya responsibilidad nila ang lahat ng gastusin sa ospital kahit umano sabihin na nakawala lamang ang kanilang mga alaga.
Sinabi niya na ang mga barangay ang dapat manghuli sa mga pagala-galang kalabaw at baka lalo na sa mga may ordinansa ukol dito.
Aniya posibleng maharap sa mabigat na penalty ang mga iresponsableng nag-aalaga ng hayop.
Pinayuhan naman niya ang mga nag-aalaga na ipastol na lamang ang kanilang mga kalabaw at baka sa kanilang mga lupa lalo na sa gabi upang hindi na sila makaabala o makaaksidente.