CAUAYAN CITY – Nadakip ang tatlong high value target na drug pusher sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga otoridad sa Brgy. Rizal.
Ang mga pinaghihinalaan ay sina Juanito De Leon, apatnaput siyam na taong gulang, may-asawa, kapatid nitong si Leodegario De Leon, limamput pitong taong gulang, at ang kanila umanong runner na si Nemecio Offemaria, apatnapung taong gulang, tricycle driver at pawang mga residente ng naturang lugar.
Nabili ng pulis na nagpanggap na buyer ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng apat na libo at dalawandaang piso.
Nang kapkapan ang tatlo ay nakuha sa pag-iingat ni Juanito ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng dalawang libo at walong daang piso.
Nakuha naman kay Nemecio ang isa pang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng apat na libo at dalawandaang piso.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Romel Cancejo, Station Commander ng Santiago City Police Office o SCPO Station 2, sinabi niyang pinsang buo ng drug lord na si Johnny De Leon ang dalawa sa nahuli at sila ang sinasabing numero unong supplier ng droga sa lungsod ng Santiago at maging sa lungsod ng Cauayan.
Aniya matagal din bago nila naisagawa ang operasyon dahil palipat-lipat umano ng lugar ang mga suspek.
Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, ito na ang ikalimang beses na nahuli sa buy bust operation si Juanito at napawalang sala ang una niyang dalawang kaso, habang dinismis ang ikatlo, at sumailalim naman siya sa plea-bargaining agreement sa ikaapat.
Ito naman ang ikalawang huli kay Leodegario at unang huli ni Nemecio.
Sa ngayon ay inaalam na ng pulisya kung saan posibleng nanggagaling ang mga kontrabandong isinusupply ng grupo.
Umaasa ang pulisya na ang pagkakahuli ng tatlo ang magiging susi upang tuluyan nang malinis ang lungsod ng Santiago laban sa iligal na droga.
Sa ngayon ay nakakulong na ang tatlo sa presinto dos at sila ay mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002.