CAUAYAN CITY – Bumisita sa Calayan Island, Cagayan si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Andres Centino para personal na inspeksiyunin ang lugar na idodonate ng LGU Calayan sa Philippine Marines para gawin nilang Marine base sa isla.
Kasama rin sa grupo si Major General Fernyl Buca, ang NOLCOM Commander ng Philippine Air Force (PAF) at iba pang matataas na opisyal ng AFP.
Sinalubong sila ni Mayor Joseph Llopis na dating pilot ng PAF at sumama sa site para sa occular inspection.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Llopis, sinabi niya na bago ang COVID-19 pandemic ay may intensyon na silang mag-donate sa Philippine Marines.
Mas nauna nang nagkaroon ng base ang Philippine Navy noong 2019 para sa kanilang monitoring sa karagatang sakop ng Calayan habang may maliliit namang detachment ang Philippine Coast Guard (PGC) sa iba’t ibang barangay.
Plano ng AFP na magkaroon ng base sa nasabing lugar upang ipakita sa mamamayan na hindi lamang sa bahagi ng Visayas at Mindanao nakapokus ang pamahalaan sa pagpapatupad ng peace and order kundi maging sa dulong bahagi ng Luzon.
Inihayag pa ni Mayor Llopis na nasa 25 ektarya ang donasyong lupa na pagtatayuan ng base ng Philippine Marines.
Mapayapa aniya ang kanilang bayan kaya ang tanging rason kaya pumayag siyang magkaroon ng base ang Marines ay magkaroon din ng development sa kanilang komunidad at upang mapanatili ang kaayusan sa isla na malapit na sa border ng Pilipinas sa ibang bansa.