CAUAYAN CITY – Nasawi ang limang katao kabilang ang tatlong menor de edad habang nakaligtas naman ang limang iba pa matapos na tumaob ang sinasakyan nilang bangka sa ilog Cagayan na bahagi ng Brgy. Naguilian Sur.
Ayon sa pamunuan ng City of Ilagan Police Station, magkakamag anak ang mga biktima na nasa limang taong gulang ang pinakabata at nasa limamput siyam na taong gulang naman ang pinakamatanda.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Ronnie Heraña Jr., imbestigador ng City of Ilagan Police Station, sinabi niya ala una ng hapon ng ikaanim ng Hulyo ay galing sa pangunguha ng tulya ang mga biktima at pauwi na sana nang pasukin ng tubig ang sakay nilang bangka na naging dahilan ng pagtaob nito.
Dahil sa lakas ng agos ng tubig ay hindi na nagawang iligtas pa ng mga nakaligtas na sakay ang lima nilang kasama.
Nasawi sa pagkalunod ang tatlong menor de edad na nasa edad lima, anim at siyam na taong gulang maging ang isang tatlumput anim na taong gulang at apatnaput tatlong taong gulang.
Ayon pa kay PCpt. Heraña, kinaumagahan na lamang na naipabatid sa kanilang himpilan ang nasabing pangyayari.
Samantala sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Brgy. Kapitan Ferdinand Salvador ng Naguilian Sur, sinabi niya ang mga nalunod ay hindi marunong lumangoy.
Sumama lamang umano ang mga menor de edad sa pagkuha ng tulya dahil wala na silang klase.
Matapos ang pangunguha ng tulya ay uuwi na ang mga ito at sumakay sa bangka ngunit nang marating nila ang malalim na bahagi ng ilog ay excited na umanong bumaba ang mga bata.
Gumalaw ang bangka na nagdulot upang mawala sa balanse ang mga sakay nito at pagtaob ng bangkang kanilang sinasakyan.
Nahirapan ang mga hindi marunong lumangoy na makaabot sa pampang kaya sila ay nalunod habang ang mga nakaligtas ay sinubukang tulungan ang kanilang mga kasama ngunit sila ay nahirapan dahil sa lawak at lalim ng ilog.
Agad namang nagpatulong mga nakaligtas na sakay ng bangka sa barangay at maraming residente rin ang nagtungo sa ilog upang tumulong sa paghahanap sa mga biktima.
Nahanap ang tatlo sa araw ding iyon habang ang dalawa ay kinaumagahan na lamang nahanap ang kanilang bangkay sa ibabang bahagi ng ilog sa Brgy. San Ignacio at Brgy. Nabbuan.
Nanawagan naman si Kapitan Salvador sa mga nangunguha ng tulya sa nasabing lugar na huwag mag overload sa mga bangkang sasakyan upang ligtas sa anumang aksidente.