--Ads--

CAUAYAN CITY – Sinampahan na ng kasong double murder ang nadakip  na suspek sa pagpatay sa mag-asawang  Carlos at Julie Balah-wa sa Buenavista, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj Frederick Ferrer, hepe ng Bayombong Police Station na ang mga mamamayan sa komunidad sa ibaba ng bundok ang mismong nagturo sa suspek na si Nardo Balante, 50 anyos, bayaw ni Carlos  na pumatay sa  kanya at asawa dahil sa awayan nila sa source ng tubig mula sa bundok.

Nadakip si  Balante isang araw matapos  na bumalik sa kanyang kubo sa paanan ng bundok.

Ayon kay PMaj Ferrer, noong una  ay nagmatigas si Balante na hindi siya ang gumawa sa krimen ngunit kalaunan ay umamin din siya.

--Ads--

Noong linggo, July 9, 2023 dakong alas dos ng hapon nang magkasagutan sila ng kanyang bayaw dahil sa isyu ng tubig mula sa isang bukal.

Nang magkainitan, kumuha umano si Carlos Balah-wa  ng matigas na kahoy na siya sanang gagamiting panghampas sa suspek ngunit  naagaw ng suspek    

Tatlong beses umanong nahampas ni Balante si Carlos at isinunod  ang kanyang misis.

Nagtamo ng malalang sugat sa mukha ang mag-asawa na naging sanhi ng kanilang kamatayan.

Unang nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang magkabilang panig  dahil pinagbabayad  umano ang suspek ng tubig na ikinasama ng kanyang loob dahil galing naman ito sa bundok.

Inayos ng mga nakatatandang lider sa komunidad sa paanan ng bundok ang hindi nila pagkakaunawaan ngunit naulit ito na humantong sa pagkamatay ng mag-asawang Balah-wa.