CAUAYAN CITY – Naibaba na mula sa kabundukan ng Maconacon, Isabela ang labi ng isang rebelde na basta na lamang inilibing ng kanyang mga kasama.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Maj. Rigor Pamittan, chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army, sinabi niya na ang nasabing rebelde ay si Ka Shuli na asawa ni Ka Edna, isa sa mga former rebels na naipresenta ng Cagayan Provincial Task Force ELCAC noong June 2.
Isa sa naging kahilingan ni Ka Edna ay marekober ang labi ng kanyang asawa na nailibing sa Maconacon, Isabela.
Kabilang si Ka Shuli sa walong inilibing ng mga teroristang rebelde sa Maconacon, Isabela at una nang nahukay ng mga sundalo noong Hulyo 2022 ang mga kasama nito.
Ang labi ni Ka Shuli ay matagumpay na naibaba mula sa kabundukan ng Maconacon sa pamamagitan ng pinagsanib na pwersa ng kasundaluhan ng 95th Infantry Battalion at 86th Infantry Battalion ng 502nd Infantry Brigade at mga kasapi ng 201st Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2.
Ilang araw aniyang nilakad ng kanilang mga tropa ang lugar para lamang marekober ang labi ni Ka Shuli na ibinalot lamang sa duyan at basta na lamang inilibing sa mababaw na hukay.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na sila kay Ka Edna at sa kanyang mga anak kung saan ililibing at ilalagak ang mga labi ni Ka Shuli.
Pagkagutom ang isa sa naging dahilan kung bakit ito namatay at napatunayan na rin ito sa isinagawang examination sa labi ng mga kasamahan niyang naunang nahukay noong nakaraang taon.
Nagpapasalamat naman sila sa mga former rebels sa pakikipagtulungan sa mga kasundaluhan para marekober ang labi ng kanilang mga kasamahan na inilibing ng kanilang mga kasama.
Si Ka Shuli ay naging deputy chief secretary ng Komiteng Probinsya Isabela at inaalam pa nila kung ano pa ang mga hinawakan nitong posisyon habang nasa loob ng kilusan.
Tinig ni Maj. Rigor Pamittan.