--Ads--

CAUAYAN CITY – Nanawagan ang presidente ng St. Lukes Medical Center Employees Association sa lahat ng mga health workers sa bansa na maghintay lamang dahil may pangako na sa kanila ang kalihim ng Department of Health (DOH) na maibibigay ngayong buwan ng Agosto ang kanilang Health Emergency Allowance.

Kasunod ito ng pagsasagawa ng kilos protesta ng grupo ng Alliance of Filipino Workers (AFW) at Unified Filipino Service Workers (UFSW) sa harapan ng DOH at nagbanta na titigil sila sa pagtatrabaho nang hindi sila harapin ng mga opisyal ng kagawaran.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Jao Clumia, presidente ng St. Lukes Medical Center Employees Association na naging matagumpay ang isinagawa nilang kilos-protesta noong August 3 dahil hinarap sila ni DOH Secretary Ted Herbosa.

Nangako aniya ang kalihim na ngayong buwan ng Agosto ay ibibigay niya ang Health Emergency Allowance ng mga Health Workers sa bansa at ito ang pinanghahawakan nila ngayon.

--Ads--

Kinabukasan ay nagrally din ang mga naturang grupo at napag-alaman niya na hindi sila hinarap ng mga DOH official kaya ito umano ang kanilang himutok at nagbanta sila ng tigil-trabaho.

Aniya, may kanya-kanyang legal council ang mga grupong nagsasagawa ng kilos protesta at alam aniya ng mga ito na kung gagawin nila ang kanilang banta ay hindi pwede dahil national interest ang mga ospital.

Kung itutuloy nila ito ay tatanggalin sila ng management kaya payo niya na sana bago magbitaw sa media o sa social media ng salita ay komunsulta muna sa kanilang legal council dahil hindi lamang ang magsasalita ang maapektuhan kundi maging ang kanilang mga kasama.

Bukas aniya ang kanilang grupo sa pagtulong sa ibang grupo ng health workers at hindi nila sila itinuturing na kaaway.

Nanawagan siya ngayon sa lahat ng mga kapwa niya health workers sa buong bansa na maghintay lamang dahil batay sa kalihim ng DOH may inilabas na ang Department of Budget and Management (DBM) na halos tatlong bilyong piso na kahit kulang ay ipapamahagi pa rin ng kagawaran sa mga health workers.

Tinig ni Jao Clumia, presidente ng St. Lukes Medical Center Employees Association.