--Ads--

CAUAYAN CITY – Isang Pilipino na nagtapos bilang Summa Cum Laude sa Bachelor of Science in Computer Science sa Royal University of London ang may bninubuong mobile application na makakatulong sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nakakaranas ng pang-aabuso sa ibang bansa.

Kahapon ay nagtungo mismo dito sa himpilan ng Bombo Radyo Cauayan sina Atty. Girlie Gonito na tubong Echague, Isabela kasama ang anak na si Errolson Gonito, Computer Science Summa Cumlaude sa Royal University of London.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo ay sinabi ni Ginoong Gonito na magagamit ng mga OFW ang nasabing app upang makapagbigay sa mga awtoridad ng impormasyon tungkol sa nararanasan nilang pang-aabuso sa kanilang mga employer.

Sa ngayon ay may initial app na silang nagawa at nais niya itong ipakita sa Department of Migrant Workers (DMW) para mabigyan sila ng pondo sa pagsasaayos sa nasabing app.

--Ads--

Payo nito sa mga kabataang nais na linangin ang kanilang talento na kung may nais silang gawin ay laging isaalang-alang kung paano ito makakatulong hindi lamang sa sarili kundi maging sa kapwa tao.

Tinig ni Ginoong Errolson Gonito.

Samantala, proud naman ang kanyang ina na si Atty. Gonito at hindi inakalang ang isa sa goal ng kanyang anak ay hindi para sa sarili nito kundi para sa mga kapwa niya Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Bilang isang ina ay hindi mapagsidlan ang kanyang tuwa sa naging desisyon ng kanyang anak na gumawa ng paraan para makatulong sa kanyang mga kababayan sa pamamagitan ng angking talino sa computer.

Ayon kay Atty. Gonito, dati ang alam lamang niya na ginagawa ng anak ay maglaro sa computer ngunit mayroon pala itong ibang pinagkakaabalahan tuwing nakaharap sa computer screen.

Tinig ni Atty. Girlie Gonito.