CAUAYAN CITY – Hindi na ikinagulat ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang pagkakadawit ng mayor ng bayan ng Aparri sa pagpaslang kay Vice Mayor Rommel Alameda at sa limang iba pa noong February 19, 2023.
Matatandaang sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ay direktang itinuro ni Regional Intelligence and Investigation Division (RIID) PCol Arbel Mercullo si Mayor Bryan Dale Chan na pangunahing suspek sa pagpaslang kay Vice Mayor Alameda.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Mamba na hindi na siya nasorpresa na sangkot si Mayor Chan sa naturang krimen dahil bayolente talaga ang pulitika sa kanilang lalawigan at katunayan ay dalawang kapatid na rin niya ang pinatay.
Gayunman ay masaya siya dahil kahit mabagal ang hustisya ay umuusad na rin ang kaso ng tinawag nilang Aparri 6.
Nagpapasalamat siya kay Senador Ronald Dela Rosa dahil sa isinasagawa nilang pagdinig ay unti-unti na ring nabibigyan ng linaw ang naturang kaso at naniniwala siya na lalabas ang katotohanan at makasuhan at makulong ang mga taong talagang sangkot sa krimen.
Hindi aniya ito ordinaryong krimen dahil sa klase ng pagpatay sa mga biktima kaya maganda na unti-unti nang nalulutas ang kaso para hindi na maulit.
Ayon kay Gov. Mamba, kasama niya dati si Mayor Chan at nabigla siya noon na naghiwalay na sila ni Vice Mayor Alameda dahil sa mga intriga.
Wala aniyang nabanggit noon sa kanya si Vice Mayor Alameda na problema sa kanyang buhay dahil puro suliranin sa kanilang bayan ang inilalapit niya sa kanya.