--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi sa ospital ang isang tsuper matapos na sumalpok sa nakaparadang 18-wheeler truck sa barangay Mambabanga, Luna, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Ranilo Bumagat, hepe ng Luna Police Station, sinabi niya na batay sa tsuper ng trailer truck, dakong ala una ng madaling araw kahapon nang pumarada siya sa gilid ng kalsada malapit sa New Hope Isabela upang magpahinga nang bigla sumalpok sa likurang bahagi nito ang motorsiklong minaneho ng biktima na si Raymar Videz, residente ng Malasin, Burgos, Isabela.

Lumalabas na nabigo ang tsuper ng Trailer truck na si Roberto Magbanua Jr., tatlumpu’t dalawang taong gulang na residente ng Brgy. Saludin, Labangal, General Santos City na maglagay ng early warning device at hindi rin nagbukas ng hazard light habang nakaparada.

Naisugod pa ng mga tumugong Rescuers ng Luna sa Garcia Hospital ang biktima matapos magtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ngunit idineklarang patay na ng sumuring Doktor.

--Ads--

Samantala, dinala sa Luna Police Station ang mga sangkot na sasakyan para sa kaukulang imbestigasyon at wastong disposisyon at posibleng maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property ang tsuper ng truck.