--Ads--

CAUAYAN CITY – Naglabas ng paglilinaw si Cagayan Governor Manuel Mamba sa naging desisyon ng Senado na siya ay ma-contempt.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cagayan Governor Manuel Mamba nilinaw niya na dumalo siya sa pagdinig ng KAMARA noong nakaraang buwan kaugnay sa akusasyon ng vote buying sa umano’y iregularidad sa pamamahagi ng ayuda noong panahon ng local at national elections sa bansa noong Mayo 2022.

Inihayag din niya na wala siyang natatanggap na subpoena kaya nalito siya nang maglabas ng pahayag ang House Committee on Public Accounts, and Suffrage and Electoral Reforms upang siya ay ma-contempt.

Muli niyang iginiit na fully liquidated ang lahat ng mga naipamahagi niyang financial assistance noong nakaraang local and national elections.

--Ads--

Binigyang linaw din niya ang hindi niya pagbibigay ng travel order kina Provincial Accountant Jeanna Garma, Treasurer Mila Mallonga, Budget Officer Reynald Raul Ramirez, Agriculturist Dr. Pearlita Mabasa at Social Welfare Officer Helen Donato na nabigong dumalo noong Lunes sa pinagsanib na pagdinig hinggil sa House Resolutions 145 at 146.

Aniya kasalukuyang nasa ilalim ng state of Calamity ang Cagayan kaya mas kailangan niyang timbangin ang mas kailangan niyang pagtuunan ng pansin.

Ang imbestigasyon kay Mamba ay kasunod ng inihaing House Resolution 146 ni  Congressman Joseph “Jojo” Lara  ng 3rd district ng Cagayan na hiniling sa Mababang Kapulungan na siyasatin “in aid of legislation“ ang umano’y malawakang pamumudmod ng cash at iba pang ayuda ni Gov. Mamba sa mga rehistradong botante sa election period mula ikadalawamput lima ng Marso 2022 hanggang ikasiyam ng Mayo 2022.

Si Mamba ay una nang diniskuwalipika ng 2nd Division ng Comelec noong Disyembre 2022 ngunit binaliktad ng Comelec en banc dahil sa “time element” sa paghahain ng reklamo matapos maiproklama na ang gobernador bilang nagwagi sa eleksyon.

Ang petisyon para idiskuwalipika si Gov. Mamba ay inihain ng kampo ni Lara noong ikasampu ng Mayo, 2022 habang ang Gobernador ay nanumpa sa puwesto matapos maiproklama noong ikalabing isa ng Mayo, 2022 ng madaling araw.