CAUAYAN CITY – Nasugatan ang magkapatid na Indian National matapos na pagbabarilin sa Laya West, Tabuk City, Kalinga.
Ang mga biktima ay sina Harwinder Singh, 41-anyos at Rajbir Kaur, 36-anyos, kapwa residente ng Laya East, Tabuk City, Kalinga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMSgt. Prodencio Atas, Assistant Public Information Officer ng Tabuk City Police Station na galing sa paniningil ng pautang ang mga biktima nang sila ay pagbabarilin sa barangay Layaoen ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek.
Hindi nila pinansin ang mga suspek at nagdire-diretso lang sila papunta sa Tabuk City Police Station at ang mga pulis na ang nagdala sa kanila sa Kalinga Provincial Hospital.
Hindi naman nagtamo ng malubhang sugat ang dalawa at ngayon ay nakalabas na sa pagamutan.
Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa pangyayari at inaalam pa ang motibo ng mga suspek dahil hindi naman inagaw ang kanilang pera.
Wala naman umanong nakakita sa pangyayari sa lugar na nasa apat lamang ang bahay.
Ayon kay PMSgt. Atas, maaring binigyan lamang ng leksyon ang magkapatid dahil kapag maningil umano ang lalaki ay nagagalit.
Nanawagan siya sa mga suspek na sumuko nalang sa mga pulis para malutas ang kaso at para mapag-alaman ang motibo sa krimen.
Nanawagan din siya sa mga nakautang na magbayad at huwag magalit habang sa mga nagpapautang naman ay respetuhin din ang mga taong nakakautang sa kanila.
Tinig ni PMSgt. Prodencio Atas.