CAUAYAN CITY – Handa na ang Commission on Elections (COMELEC) Isabela para sa hosting nito sa isasagawang Regionwide Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) forum na gaganapin sa Isabela Convention Center (ICON) sa San Fermin, Cauayan City mamayang ala-una ng hapon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Manuel Castillo, Election Officer ng COMELEC Isabela, sinabi niya na may isasagawang exhibit ng evolution of ballot boxes at election history.
May speakers na mula sa head office ng COMELEC na mangunguna sa forum para talakayin ang mga dapat at hindi dapat gawin bago ang nakatakdang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) sa August 28.
Nauna na rin silang nagbigay ng imbitasyon sa Provincial Youth Development Office at sa SK federation dahil puntirya nilang maanyayahan ang mga kabataang nagnanais na maghain ng COC gayundin sa mga nais namang tumakbo bilang opisyal ng barangay.
Magkakaroon naman ng live broadcast sa gaganaping forum at magbibigay sila ng facebook link para sa mga ibang hindi makakadalo sa gaganaping BSKE forum.
Muli naman niyang ipinaalala sa mga kandidato na dapat ay inagahan na nila ang pagpunta sa mga election offices sa rehiyon upang makakuha na ng voters certification para sa mas mabilis na proseso sa paghahain ng Certificate of Candidacy.
Samanatala, maliban sa filling ng COC ay pinaghahandaan na rin ng COMELEC Isabela ang listahan para sa mga guro na magbibigay ng serbisyo sa halalan at kung sino ang may kamag-anak na kandidato para sa mas maayos na pagdaraos ng halalan.
Isasaayos din nila ang pagkikipag-ugnayan sa mga stakeholders at ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng Philippine National Police (PNP) para matiyak ang katiwasayan sa pagdaraos ng BSKE 2023 sa katapusan ng Oktubre.
Tinig ni Atty. Manuel Castillo.