--Ads--

CAUAYAN CITY – Idinulog ng isang residente ng Viga, Angadanan, Isabela sa Bombo Radyo Cauayan ang mali umanong proseso ng ilang opisyal ng barangay sa pagdinig ng reklamo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Reynante Bumanglag, sinabi niya na hindi dumaan sa tamang proseso ang kanilang barangay sa reklamo nila sa isang residente sa kanilang nasasakupan.

Nasangkot sa isang away ang anak ng pamangkin niya at isang nagngangalang Ruben Rivera noong nakaraang taon ngunit sa halip na magkaroon ng pag-uusap ay agad na nag-issue ng certificate to file action ang barangay.

Nakalagay sa nasabing certificate to file action na nagkaharap na ang dalawang panig kasama ang mga sangkot sa away kahit wala pang nangyayaring pag-uusap at may mga pumirma rin umanong dalawang witness na hindi naman umano alam ang pangyayari.

--Ads--

Nanawagan din siya sa Department of Interior and Local Government (DILG) na silipin ang mga opisyal ng barangay na basta na lamang nag-iisue ng certificate nang hindi dumadaan sa tamang proseso.

Nanawagan din siya sa mga opisyal ng barangay ng Viga na huwag maging bias sa pagdinig sa mga idinudulog na reklamo.

Tinig ng nagrereklamo na si Reynante Bumanglag.

Samantala, mariing itinanggi ng Punong Barangay ng Viga, Angadanan, Isabela ang nasabing reklamo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Captain Reynaldo Panganiban Jr., sinabi niya na hindi totoo ang mga sumbong ng kanyang kabarangay na si Reynante Bumanglag dahil nagkaroon ng imbitasyon at pag-uusap sa kanilang baranggay sa pagnanais din na maayos ang problema.

Sa kalagitnaan ng pag-uusap ay nagwala umano ang lolo ng batang sangkot sa kaguluhan.

Nagsisigaw ito at dumating naman ang apo ng nagrereklamo at pinagsasampal ang isa sa kanilang barangay tanod sa harap mismo ng mga barangay officials kaya wala silang nagawa kundi maghain ng certificate to file action laban sa kanila.

Hindi rin umano nirerespeto ng mga nagrereklamo ang mga barangay officials kahit na sa kabila ng pagsisigaw at panggugulo nila ay hangad pa rin nilang magkaayos ang mga sangkot.

Tinig ni Barangay Captain Reynaldo Panganiban Jr.