
CAUAYAN CITY – Matagumpay na nasabat ng pamunuan ng Ilagan Police station ang isang package na naglalaman ng shabu sa isang bus terminal sa Lunsod na nagmula pa sa Sampaloc Manila.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCPT Ronnie Heraña ang investigation officer ng City of Ilagan Police station sinabi niya na kung matatandaan ay nagsagawa sila ng oplan bakal sa isang KTV bar sa Marana 1st na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang Alyas Mar.
Ang pagkakaaresto ni Alyas Mar ay nagresulta sa pagkakasabat ng isang package na naglalaman ng kontrabando sa isang bus terminal sa Lunsod na nakapangalan mismo kay alyas Mar na ipinadala ng isang Marie Gacel na mula sa Sampaloc Manila.
Sa tulong ng K9 unit ay nakumpisa sa loob ng package ang dalawampung gramo ng shabu na may street value na nasa isandaang libong piso.
Dahil sa naturang insidente ay mas hihigpitan nila ang pagkikipag ugnayan sa mga terminal ng bus para sa pagtatalaga ng K9 units na makakatulong sa pagsuri sa mga parcel o package.
Samantala dahil sa pagkakadakip ni alyas Mar at habang isinasagawa ang siezure ng kontrabando sa Florida Bus Terminal ay nadakip ang hinihinalang parokyano ni Alyas Mar na si Osmelito Telan o alyas Lito, apatnapung taong gulang,residente ng barangay Manaring.
Nasamsam mula kay Telan ang isang pakete ng shabu, tatlong libong piso at isang android phone.
Ayon kay Pcapt. Heraña kapwa naitala sina Alyas Mar at Telan bilang newly identified drug individual.
Samantala, maliban kina alyas Mar at Telan ay isa pang tulak ng iligal na droga ang nadakip sa barangay Baculud.
Ang naaresto ay si Samuel Cordova, isang meat vendor na residente ng Purok 6, Brgy. Marana 1st.
Nasamsam kay Cordova ang isang pakete ng shabu, 5,350 pesos, isang cell phone at motorsiklo.
Ang mga pinaghihinalaan ay kasalukuyang nasa pangangalaga na ng Ilagan Police station para sa kaukulang disposisyon.










