--Ads--

CAUAYAN CITY – May panawagan pa rin ang ilang transport group sa kabila ng fuel subsidy na inilabas ng pamahalaan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ariel Lim, Chairman at Convenor ng National Public Transport Coalition na magandang balita para sa hanay ng tranportasyon ang inilabas na fuel subsidy ng pamahalaan pero sana ay maibigay na ito sa lalong madaling panahon at kung maari ay mabigyan lahat.

Aniya, maganda ang ayuda pero hindi ito sapat dahil patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Wala pa rin aniya itong long term solution kaya panawagan nila sa pamahalaan na gumawa ng paraan at hindi lang bond aid solution.

--Ads--

Muli rin niyang ipinanawagan na pag-aralan ang oil deregulation law dahil hindi ito akma sa Pilipinas.

Aniya, kapag rebisahin ang oil deregulation law ay tingnan lang naman ang pamasahe para hindi na nila kailangang humiling ng pagtaas tuwing may pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Mungkahi pa niya na kung maari ay maglaan ang pamahalaan ng pondo na pwede nilang ilagay sa oil price stability para kung sakaling tumaas ang presyo sa pandaigdigang merkado ay may pangsalo ang pamahalaan.

Hiling nila na mabigyan din ng pagkakataon na marinig ang kanilang hinaing dahil sila ang mas nakakaalam ng nangyayari sa kalsada.

Dapat aniya ay maging bukas ang mga economic managers ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos para pag-aralan ang lahat ng pamamaraan.

Aniya, kailangan may magsakripisyo rito dahil kung hindi ay ang taumbayan ang mas mahihirapan.

Tinig ni Ariel Lim, Chairman at Convenor ng National Public Transport Coalition.