CAUAYAN CITY – Bumuo ng isang Non-Government Organization ang mga dating rebelde na nagbalik-loob sa pamalahaan sa lambak ng Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Maj. Rigor Pamittan, chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army na dahil sa patuloy na pag-agapay nila sa mga nagbalik-loob sa pamahalaan na mga rebelde ay bumuo ang mga ito ng non-government organization na tinawag nilang Kindling Action for Peace Progress and Inclusive Advocacy (KAPPIA) Incorporated.
Isinagawa ito noong September 8 matapos ang isinagawa nilang work shop at umabot ng 71 na mga dating rebelde mula sa Cagayan, Quirino, Isabela at Nueva Vizcaya ang dumalo.
Layunin ng naturang NGO na matulungan ang mga dating kasapi ng teroristang grupo na nagbalik-loob sa pamahalaan gayundin na mahikayat pa ang mga dati nilang kasamahan na nasa loob pa ng kilusan.
Sa pamamagitan din ng organisasyon na ito ay dito na maibababa ng mga alligned agencies ang mga livelihood assistance, projects at trainings para sa mga dating rebelde.
Umaasa naman sila na mairerehistro ito sa Security Exchange Commission sa katapusan ng Setyembre.
Ayon kay Maj. Pamittan, patunay lamang ng organisasyon na ito na seryoso ang pamahalaan na tulungan ang mga dating rebelde na nagbalik loob sa pamahalaan.
Hinikayat nila ang mga nasa loob pa ng kilusan na magbalik-loob na sa pamahalaan para matamasa rin ang mga tulong na naipagkaloob sa mga dati nilang kasamahan na sumuko na.
Tinig ni Maj. Rigor Pamittan.