--Ads--

CAUAYAN CITY – Dinakip ang tatlong lalaki sa magkahiwalay na drug buy bust operation ng mga otoridad sa Santiago City.

Unang nahuli sa isinagawang operasyon sa Brgy. Dubinan East si Jojo, 38-anyos, empleyado ng pamahalaan, at residente ng Plaridel, Santiago City.

Nabili sa kanya ng pulis na nagpanggap na buyer ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng halos P2,000.

Itinuturing din siyang high value target ng pulisya dahil sa kanyang katungkulan.

--Ads--

Sa buy bust operation naman na isinagawa sa Brgy. Sagana ay nahuli ng mga pulis sina Jestoni, 42-anyos, tindero at residente ng nabanggit na barangay at ang kanyang kasamahan na si Jayson, 28-anyos, tindero ng isda at residente ng Victory Norte, lunsod ng Santiago.

Nabili sa kanila ng pulis na nagpanggap na buyer ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,000.

Nakuha rin sa kanilang pag-iingat ang tatlong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na mahigit isang gramo at nagkakahalaga ng P9,520.

Nakuha rin sa kanila ang iba’t drug paraphernalia at mga cellphone na posible umanong ginagamit ng dalawa sa iligal na gawain.

Ayon sa pulisya ang dalawang huling nahuli ay maituturing lamang na street level individual.

Sa ngayon ay nasa pag-iingat na ng Santiago City Police Office Station 4 ang tatlo at inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002) laban sa kanila.