--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagtamo ng sugat sa katawan ang dalawang lalaki matapos na mahulog sa tangke ng tubig na kanilang ginagawa sa San Mateo, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Jovener Dupilas na ang mga biktima ay sina Felix Garcia, 25-anyos at Jeramil De Luna, 26-anyos, kapwa trabahador ng kontraktor na gumagawa sa tangke ng tubig.

Aniya, nagpipintura ang dalawa sa loob ng tangke at unang nahulog si Garcia dahil sa pagkakadulas sa hagdan habang sumunod naman si De Luna na sinubukan siyang saklolohan.

Nang mahulog si Garcia ay may mga nabasag na container ng thinner at pintura at naikalat ang mga ito sa loob kaya naging pahirapan ang paglabas sa kanila lalo na kay Garcia dahil sa mga tinamo nitong sugat partikular sa ulo at mas marami rin ang nalanghap na thinner.

--Ads--

Humingi sila ng tulong sa Bureau of Fire Protection (BFP) at sa Rescue 922 ng Cauayan City kaya nailabas ang dalawa na paunti-unti nang nawawalan ng malay.

Naging hamon naman sa mga rescuers ang maliit na butas ng tangke na nasa isang square meter lang dahil nauubusan sila ng oxygen gayundin ang pagkakatumba ng hagdan sa loob kaya kinailangan nilang gumamit ng lubid at mga special equipment.

Agad naman silang dinala sa pinakamalapit na pagamutan habang si Garcia ay dinala sa mas malaking hospital.

Nagpapasalamat sila sa lahat ng tumulong gayundin na hindi pa operational ang tangke ng tubig na nasa sampong metro ang taas dahil kung hindi ay maaring nagdulot ito ng problema sa tubig sa bayan ng San Mateo.

Panawagan niya sa lahat na may kaparehas na ganitong trabaho na tiyakin na may lubid na nakatali sa kanilang katawan para maiwasan na mahulog sakaling mangyari ang ganitong aksidente.

Magsilbi rin sana itong paalala sa mga nagtatrabaho sa matataas na lugar.

Tinig ni MDRRM Officer Jovener Dupilas.