--Ads--

CAUAYAN CITY – Namamahagi na ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 sa mahigit pitong libong pamilya na nasiraan ng bahay dahil sa bagyong Egay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2 na sa buong rehiyon ay umabot sa 7,480 na pamilya ang nasiraan ng bahay partially at totally.

Natapos na nila ang pamamahagi ng Emergency cash transfer sa Aparri, Baggao, Buguey, Camalaniugan, Abulug at Allacapan at ang naiwan nalang ay ang Calayan na may 3,337 na pamilya na nasiraan ng bahay.

Binubuo ito ng 220 na totally damaged at sa partially ay may 3,117.

--Ads--

Nakatanggap ng mahigit labing apat na libong piso ang mga totally damaged ang bahay habang mahigit siyam na libong piso naman ang partially at sa kabuuan ay may mahigit P31 million na ibibigay sa Calayan.

Noong September 13 ay nabigyan na ang mahigit siyam na raang pamilya at itinuloy ito ng mga kasama nilang naiwan noong Biyernes at sa mga susunod na araw ay pupunta naman sila sa mga island barangay para personal na maibigay ang tulong sa kanila.

Kasama naman nila ang local government unit (LGU) sa pamamahagi ng tulong sa pamumuno ni Mayor Joseph Llopis na nagbigay ng magagamit nilang speed boat.

Isang linggo na mananatili ang kanilang mga kasamahan sa isla at umaasa sila na magiging maganda qng panahon para makapunta sila sa mga island barangay ng Calayan gayundin sa Camiguin Island sa Dalupiri at sa Babuyan Claro.

Tinig ni Regional Director Lucia Alan.