CAUAYAN CITY – Magsasagawa ng mga serye ng kilos-protesta ang ilang farmers group para ipanawagan ang mariin nilang pagtutol sa ipinapanukala nina Secretary Benjamin Diokno ng Department of Finance (DOF) at National Economic and Development Authority (NEDA) Chief Arsenio Balisacan na ibaba sa 10% ang tariff rate sa bigas mula sa 35%.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Leonardo Montemayor, chairman of the board ng Federation of Free Farmers at dating kalihim ng Department of Agriculture (DA) na sa susunod na linggo ay magsasagawa sila ng mga serye ng kilos-protesta at nakatakda nilang puntahan ang tanggapan ng Foundation for Economic Freedom na nagsampa ng petisyon sa Tariff Commission, magtutungo rin sila sa Tariff Commission, pupunta rin sila sa Binondo pangunahin sa tanggapan ng Filipino Chinese Chambers of Commerse at sa DOF.
Aniya, kasama nila sa mga tumututol ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Bantay Bigas Citizen movement at iba pang grupo ng mga magsasaka.
Isa aniya itong multi sectoral coalition na nagsama-sama para tutulan ang panukalang ito ng mga economic managers ni Pangulong Bongbong Marcos.
Aniya, ang naturang panukala ay hindi makakatulong sa mga magsasaka dahil bababa lang ang presyo ng palay na malaking dagok sa mga magsasaka.
Wala ring pakinabang dito ang mga mamimili lalo na sa mga mahihirap dahil kadalasan ang mga inaangkat na bigas ay ang mga mamahalin na ang bumibili lang ay ang mga may kaya sa buhay.
Malaki rin ang maibabawas sa kikitahin ng pamahalaan dahil batay sa Rice tarrification Law, ano man ang makukulekta ng customs na hihigit sa sampong bilyong piso ay napupunta sa cash assistance ng mga magsasaka na nagtatanim ng palay.
Kapag ipinatupad ang 10% tariff ay hindi na makakatanggap ang mga magsasaka ng cash assistance.
Giit niya na tanging ang mga importer ang makikinabang dito.
Nanawagan na rin sila na tanggalin sa pwesto sina Diokno at Balisacan dahil ang ginagawa nila ay nagsisilbing hatol ng kamatayan sa mga mamamayan.
Ayon pa kay Montemayor, pinabibilis ng mga economic managers ang rekomendasyon ng Tariff Commission dahil sa September 30 ay magrerecess na ang kongreso at batay sa batas sa loob ng recess period mula October 1 hanggang November 5 ay pwedeng amyendahan ng pangulo ang tariff rates ng bigas.
Malaki naman ang paniniwala nila na mayroon nang desisyon dito kaya pinabibilis ang pagsasagawa ng konsultasyon.
Nagpapasalamat nalang sila sa sinabi ng pangulo na tumutok sa local production at huwag umasa sa importasyon.
Nanawagan siya sa lahat na suportahan ang kanilang panawagan na tutulan ang plano ng mga economic managers na ibagsak ang taripa o ang proteksyon na ibinibaigay sa mga magsasaka ng palay.
Umaapela rin sila sa pangulo na tanggalin na ang dalawa sa pwesto dahil sa hindi pagsuporta sa nais niya na palakasin ang local production.
Tinig ni Leonardo Montemayor.