CAUAYAN CITY – Ipapamahagi ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa mga tricycle driver at iba pang sektor ang bigas mula sa bibilhing aning palay ng mga magsasaka.
Una rito ay sinabi ng pamahalaang panlalawigan na nakatakdang bumili ng aning palay ng mga magsasaka sa Isabela sa presyo na 25 pesos bawat kilo.
Ito ay para sa mga magsasaka na may sinasakang dalawang ektarya pababa at dapat nakatala sila sa Registry System for the Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) o may certification sa Municipal Agriculture Office na kabilang sila sa mga marginalized farmers.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Information Officer Elizabeth Binag, sinabi niya na dadaan ang mga bibilhing palay sa rice processing complex at ang mga magigiling na bigas ay ipapamahagi sa mga kawani ng pamahalaan.
Maliban dito ay mamahagi rin ang Pamahalaang panlalawigan ng tiglimang kilong bigas sa mga tsuper ng tricycle at iba pang marginalized sector simula sa Nobyembre ngayong taon.
Ayon kay Atty Binag, kabilang ang mga tricycle drivers sa mga lubos na apektado noong pandemiya.